Habang binabaybay ang kahabaan ng EDSA mula Megamall hanggang Magallanes, hindi mawala ung kaba ko. Wagas kasi magmaneho si Manong Drayber. Halatang sanay sa EDSA at sa mga 'da moves' ng mga MMDA.
Ngayon ko lang nakita ang mga nakasuot ng pula at asul na mga taga-MMDA. Siguro dahil ngayon na lang ulit ako bumyahe ng umaga na may pasok. Pero nakakatuwa sila tignan dahil halos kada kanto at bus stop ay mayroon silang taong nakabantay. Kahit gaano kahaba ang EDSA, hindi ko naramdaman na huminto kami dahil sa trapiko. Alam na alam din ni Manong Drayber kung san sila pwedeng nakatambay kahit hindi bus stop kaya nagbababa siya kung san lang siya, Bus A, pwede. Yun din siguro dahilan kung bakit halos 30 minutes akong nag-antay ng Pacita sa Star Mall.
Ngunit kahit anong dami ng MMDA sa haba ng EDSA, hindi pa rin mawala ung kaba ko. Hindi naman kaskasero si Manong.. maparaan lang. Para siyang hindi mapakali na naiihi kasi ayaw niyang pumila ng matagal sa bus stop. Imbes na sa kanan siya para sa mga pasaherong pwedeng mag-abang, sa kaliwa siya madalas at pumupunta na lang ng kanan pag malapit na sa bus stop.
Sabi nila, ang pinakaligtas na lugar sa bus, o sa kahit anong sasakyan, ay sa likod ng drayber. Bakit? Kahit gaano kabait ang isang drayber, pag nasa alanganin na, 'instinct' na niya na iligtas ang sarili niya at ilalayo niya ang sarili niya sa peligro. At dahil ikaw ang nasa likod niya, damay ka. Kung pwede mo siyang katabi, mas ligtas un. Wala namang drayber ng pampublikong sasakyan ang sasayaing ibangga ang sasakyang minamaneho niya, di ba? Kaya ako, laging nasa likod ng drayber kahit gaano pa kalapit o kalayo ang bababaan. Kung hindi na pwede sa likod niya, sa tabi ng drayber o kaya sa tapat ng nasa likod niya.
Ayun, akalain mong nahuli siya dito sa Alabang? Haha. Natawa ko. Sa dami ng matinik na MMDA sa EDSA, hindi siya nahuli kahit nagbababa siya sa lagpas ng bus stop ng Bus B. Kahit na hindi halata na nagsakay siya ng isa lagpas bus stop sa bilis umakyat ni kuya, wala din. Nahuli siya ng MTBP (tama ba? Ano ba meaning nun?). Hindi siya nag-abot ng lisensya niya nung kinukuha at pinababa ung kundoktor. Pagbalik ng kundoktor, hawak pa rin ang lisensya at isinoli sa drayber. Ano pang paliwanag kelangan mo? ALAM NA! Tsk!
Nakakahilo pala magsulat dito sa SLEX. Saglit lang...
Naalala mo nung may binomba na bus? Pag galing ako ng Laguna, halos linggo-lingo, nagdadalawang-isip ako nun kung hahanapin ko kung san banda ung insidente. Iniisip ko, gusto ko makita pero mas lamang yung natatakot akong baka may makita akong kaluluwa. Hehe. Matatakutin lang naman ako. Nalaman ko na lang kung san un ng may nakita akong nakatirik na kandila. Sa dalas pa ng sakay ko ng bus, sumasakay ako pauwi mula Megamall anggang Santolan pag may kasabay anggang Megamall mula trabaho, tinitignan ko lahat ng sumasakay. Dahil madalas ako sa unang dalawang upuan sa harap ng bus, tinitignan ko ung mukha at dala ng mga sumasakay. Pag mukhang kabado, kahina-hinala, hindi na ko mapakali niyan. Pano kung may dalang bomba? Todo na dasal ko nun. Nakasanayan ko na rin dahil kahit taon na ang nakalipas, ganun pa rin ako pag nasa bus.
Nung hayskul ako, masyadong malayo ang mga eskwelahan ko na tipong mga isa o dalawang oras ata ang byahe. Magsisimula sa Cubao tapos babaybayin ang E. Rodriguez anggang Welcome Rotonda. Hindi pa tapos un! Kahabaan naman ng Espanya (nakabisado ko nga sunud-sunod ng kalye nun sa tindi ng trapiko e!) anggang UST. Mahimbing tulog sa umaga kaso madalas akong ginagabi sa pag-uwi. Dun naman ako natuto na mapraning sa dyip. Dahil uso ang nanghoholdap sa dyip sa bandang Cubao o kaya bago mag-Araneta Avenue pag galing ka ng Welcome Rotonda, hindi ako nakakatulog kahit gano kaantok. Tanda ko pa yung nagdala ko ng digicam sa skul at sa praning kong may maghoholdap sa dyip, andun ako nakaupo sa likod ng drayber at nilagay ko siya sa pagitan ng hita ko. Para pag pinalabas yung mga gamit o kaya kinuha yung bag ko, tago pa rin siya. Hindi pa uso lahat may digicam nun ha. Kaya puspusan ako sa pagkapraning!
Mula naman ng nagtrabaho ako at umangat ng posisyon, lagi akong naka-taxi kahit na malapit lang ang bahay sa trabaho - isang dyip lang at mahabang lakarin kung tutuusin. Dahil dun, nagsimula naman ako mabaliw pag sumasakay ng taxi. Sa tabi ako lagi ng drayber umuupo at bago ako sumakay, tinitignan ko lagi yung likod dahil baka may nakatago na nakahiga at sasaksakin ako (agad-agad? Di pwedeng holdap muna??) pag matagal na kong nakasakay. Napraning ako simula ng mapanood ko sa isang 'movie' yung ganung 'modus' ng 'killer'. May isang beses pa na sumakay ako ng taxi na lagpas alas dose na at sa likod ako sumakay imbes na sa harap na nakasanayan ko. Nung nasa Crame na kami, naglabas siya ng air freshener at tinapat sa aircon sa gitna. E di ba, yun yung nababalita ngayon? Bimpo nga lang yung madalas na gamitin. Paglipas ng ilang saglit, sumasakit na ulo ko. Tinetext ko na yung katrabaho ko ng plaka ng taxi. Ayun, naalala kong ayaw ko lang pala talaga ng amoy nun kaya sumakit ulo ko. Di ko naman talaga siya nakakahilo. Haha.
May saltik talaga ko pag bumabyahe. Pero mas mabuti na rin yun kesa mapahamak. Mas magandang alerto lagi lalo na sa panahon ngayon! Ikaw? Mas praning ka ba sa kin?
No comments:
Post a Comment